Ating napagalaman na pinaunlakan ni Father Celis ang imbitasyon ng isang Punong Barangay na dumalaw sa Batangas upang magbigay kaalaman tungkol sa coal power plant na gumagamit ng teknolohiyang CFB.
Si Father Espridion Celis o kung tawagin ay Father Boy ay isang parish priest sa Molo Church sa Iloilo City. Pagkatapos nyang mag-aral sa seminaryo at maging pari, siya ay patuloy na nag-aral at nagtapos ng Master in Business Administration, Master in Public Administration, Master in Sociology at Master in Computer Science. Siya ay nagturo sa Estados Unidos at tumira malapit sa isang coal-fired power plant sa Chicago.
Nang siya ay bumalik ng Pilipinas, isa siya sa naging kasapi ng Multipartite Monitoring Team (MMT) ng Panay Energy Development Corporation (PEDC), isang coal-fired power plant na gumagamit ng teknolohiyang Circulating Fluidised Bed Technology. Noong Hunyo 2014, isa siya sa tagapagsalita ng MMT sa PEDC Iloilo ng dumalaw upang maglakbay-aral ang grupo ng mga lokal na opisyal ng Batangas City tungkol sa power plant. Ayon sa kanyang salaysay, siya ang nag iisang pari na nagtulak upang maitayo ang coal-fired power plant sa Iloilo City samantalang kasama sa no to coal plant ang mahigit isang daang pari at pati na rin ang Arsobispo ng Iloilo. Sabi niya dapat mag-aral at pakinggan ang dalawang panig bago gumawa ng desisyon.
Nitong nakaraang lingo, siya ay nagsalaysay at nabigay ng kaalaman tungkol sa coal-fired power plant sa mga sumusunod: mga residente at lokal na opisyal ng Barangay Pinamucan Ibaba, Barangay Simlong, Barangay Tabangao Dao at mga miyembro at opisyal ng Multipartite Monitoring Team. Ipinahayag din ni Father Celis na apat na kilometro mula sa sentro ng siyudad ay nakatayo ang planta ng coal-fired power plant sa Iloilo City. Ipinakita rin sa kanila ni Father Celis ang aktwal na resulta ng SOX, NOX at Particulate Matters; at Certificate of Analysis ng Arsenic, Barium, Cadmium, Chromium, Lead, Selenium at Mercury ng kanilang planta sa Iloilo na lahat ay pasado at lubhang higit na mababa sa standard ng Philippine Clean Air Act at Philippine Water Act. Kanya ring nabanggit na bukod sa kanya ay may kilala sya na isa pang yes to coal power plant with CFB technology, ito ay ang Arsobispo ng Zamboanga City.
Sinabi ni Father Celis na kababasa lang nya ng dyaryo at kasalukuyang nagkakaroon ng malawakang rotating brown out sa probinsya ng Mindoro na tumatagal ng sampung oras at maswerte ang Batangas City dahil gustong magtayo ng JG Summit ng planta ng kuryente dito. Ayon sa kanya, walang dapat ikatakot ang Batangas City sa coal-fired power plant na gumagamit ng CFB Technology. Ang pagkakaroon ng sapat na enerhiya ang dahilan sa patuloy na pag unlad ng Iloilo, pagdagsa ng mga maumuhunan at pagdami ng trabaho sa kanilang lugar.