News
Plant a Tree with JG Summit

Plant a Tree with JG Summit 3Released at: HEADLINES NEWS TODAY on April 10-16, 2016
By Allan G. Velasco

Ipinatupad ngayon ng JG Summit Petrochemical Corporation ang malawakang tree seedlings distribution sa Lungsod ng Batangas. Ayon sa nakalap na impormasyon ng Headlines News Today mula sa isang opisyal ng nasabing kompanya,nakapaglagay na ang JG Summit ng mahigit 100,000 tree seedlings sa kanilang mini-forest at tree nursery sa Barangay Pinamucan Ibaba simula Enero ng taong kasalukuyan. Ang mga tree seedlings na ito tulad ng Molave, Narra, Kasuy, Guyabano, Langka, Bayabas, Chico, Dalandan, American Lemon, Kalamansi at Mangga ay ipinamamahagi sa mga ahensya ng pamahalan, mga karatig barangay at mga non-government organizations. Ang pamamahagi ng puno ay suporta ng kompanya sa national greening program ng pamahalaan at bahagi ng programang pangkalikasan.

Ayon sa mga eksperto, malaki ang kahalagahan ng puno sa ating kapaligiran at kalikasan. Ang pagtatanim ng puno ay kasama sa mga solusyon upang labanan ang climate change. Ang mga puno ang humihigop ng mga sobrang carbon dioxide na naiimbak nito sa katawan at naglalabas naman ito ng oxygen na kailangan naman ng mga tao at hayop. Ayon sa pag aaral ang mga puno ay humihigop din ng amoy at mga gases tulad halimbawa ng nitrogen oxides, ammonia at sulfur oxide; at sinasala rin ng mga puno ang mga particulate matters sa hangin sa pamamagitan ng mga dahon at balat ng kahoy nito. Batid ng lahat na ang mga puno tulad ng bungang kahoy ay pinangagalingan ng pagkain at ang mga puno rin ay ginagawang tirahan ng mga ibon at ng ibat-ibang uri ng hayop at insekto.

Matatandaang nauna nang nakapamahagi ang JG Summit ng 50,000 tree seedlings ng molave at narra para sa greening program ng DENR at para palitan ang mga puno na nagalaw kaugnay sa site development sa JGSPC Complex. Ito ay nakatakdang dagdagan pa ng 10,000 tree seedlings para sa pinalawak na national greening program na ipinatutupad sa probinsya ng Batangas sa pamamagitan ng DENR. Nag-laan din ang JGS ng mahigit 40,000 tree seedlings para sa Batangas City ENRO, mga karatig na barangay, mga non-government organizations at mga empleyado. Ang mga karatig barangay at mga empleyado ay hinihikayat na kumuha ng selfie o groupie habang nagtatanim ng natanggap na puno mula sa JG Summit at pagkatapos ay ipadala ito sa plant.a.tree@jgspetrochem.com.

Plant a tree with JG Summit 1

Plant a Tree with Jg Summit 2