Released at: HEADLINES NEWS TODAY on April 17-23, 2016
By Allan G. Velasco
Bilang bahagi ng mga programang pangkalikasan ng JG Summit Petrochemical Corporation, tinututukan din ng kompanya ang ““Mini-forest and Artificial Reef Sanctuary Project”. Ito ay ang proyektong pinagkasunduan para sa kalikasan ng JGSPC, Archdiocesan Ministry on Environment at Batangas Community Divers Seal, Inc. o BCDSI na nagsimula noong 2014. Ayon sa pahayag ng isang opisyal ng BCDSI, marami ng natapos na mga bahagi ng proyekto tulad ng pamamahagi ng 25,000 tree seedlings kada taon sa mga lokal na pamahalaan kagaya ng bayan ng Lobo, paaralan at 10,000 tree seedlings sa mga non-government organizations tulad ng Batangas Coastal Resources and Management Foundation. Kasama rin sa bahagi ng proyekto ang pagkakaroon ng 2 ektaryang mini-forest na may tree nursery. Mayroon din ditong vegetable garden na may pechay, sitaw, mustasa, talong, ampalaya at papaya. Napapakinabangan ang mini-forest ng mga residente sa paligid at nakakahingi ng walang bayad ang mga dumadaan dito mula sa kalapit na barangay. Isa pang mahalagang bahagi ng proyekto ang artificial reef sanctuary na binubuo ng 220 artificial reef blocks na inilatag sa karagatan sa tapat ng Barangay Simlong noong Abril 2015. Ito ang pangalawang artificial reef ng JG Summit na naglalayon na mapalawig at higit na mapagyaman ang karagatan. Samantala, limang buwan matapos mailagay ang artificial reef nagkaroon ng kapansin pansin na pagdami ng ng ibat-ibang uri ng isda tulad ng cardinal fish, triggerfish, hawkfish, scorpion fish, pipefish, goatfish, pupperfish at maraming pang iba.